Pagod Na Ako

Ayokong mang-iwan. Ayokong gawin sa iba ang ginawa sakin. Ayokong makasakit. Ayokong maging dahilan ng tuluyan mong pagkasawi. Ayokong kuhanin pabalik ang pagkatao ko na sya na lamang bumubuhay sayo. Ayokong tanggalan ka ng kakampi sa mundong nagdala ng galit sa puso mo. Ayokong sumuko. Ayokong lumayo. Alam ko na kailangan mo ako. Alam ko na kailangan mo ng tulong. Ayokong maging katulad ng mga tao na hindi tumugon sa mga sigaw mo.

Ayokong maging dahilan ng iyong pagsuko para lamang buhayin ang aking sarili.

Ayoko nang isipin kung alin ang totoo at hindi, upang sa huli ay mapuno ang puso ko ng pagdududa.

Ayokong masaktan ka, pero pagod na ako.

Pagod na akong maniwala sa mga kasinungalingan na ginawa ko. Pagod na akong maramdaman ang pagkabiyak ng puso ko sa bawat sandali na sinasabi ko na masaya tayo. Pagod na akong maghintay sa mga malalabong pangako. Pagod na akong sambitin ang mga salitang walang kahulugan. Pagod na akong tumakbo palapit sayo, upang sa huli ay patuloy mo pa ring lalayuan. Pagod na akong manglimos ng kasiyahan sa sarili kong buhay na iyong ninakaw. Pagod na ako sa pagiging umaga mo kapag sumasapit ang gabi. Pagod na ako sa mga tanong mong paulit-ulit, at pagsagot ko nang pilit. Pagod na akong ngumiti. Pagod na akong mamuhay sa mga pagkakamali para lamang marating ang inaakala ko na tama. Pagod na akong magpanggap. Pagod na akong maging sayo. Pagod na akong maging takbuhan ng iyak mo. Pagod na akong maging mundo mo. Pagod na ako sa “tayo”.

Gusto ko nang muling bumalik sa “ako”. Ako na ang pagkatao ay binuo malayo sayo. Gusto ko nang muling pagbigyan na mahalin ang sarili ko. Gusto ko nang kunin pabalik ang puso ko na pilit mong ikinulong sa mga pangako. Gusto ko nang muling makaramdam. Gusto ko nang makakita ng iba pang uri ng mundo. Gusto ko nang kumawala sa mga mapanlinlang na tingin. Gusto ko nang magkaroon muli ng buhay.  Isang lumang buhay na sa pag-gising ay may liwanag, at payapang matutulog sa kadiliman. Gusto ko nang makapiling ang dating kaligayahan. Isang kaligayahan na walang kaakibat na sakit at kasinungalingan.  Gusto ko nang muling marinig ang mga salitang tumatagos sa puso. Mga salitang walang pag-aalinlangan. Mga salitang totoo at may laman.

Gusto ko nang maging malaya.

Gusto ko nang iwan ka.

Ngunit muli, hindi ko pa rin kaya.

Pagod na pagod na ako, pero mahal pa rin kita.

 

Laro ng Pag-ibig

Simula:
Tuturuan mo akong magmahal ngunit hindi mo sasabibin sa akin kung ano ang mga sunod na hakbang kapag pinili mo akong iwanan.

At patuloy na iikot sa’yo ang aking mundo hanggang sa ako ay mahilo, manghina, mawala. Habang ikaw ay nasa ibang kalawakan, tumutuklas ng mga bagong buhay at bituin.

Isa pang simula:
Hahawakan mo ang aking mga kamay, at kapag ako’y nasanay ay bigla na lamang bibitawan. Kasabay na malulugmok ako sa mga lugar na ating dinaanan habang pilit ginugunita ang matatamis na sandali at patuloy na kakapit sa mga ngiti ng kahapon.

Hindi ka pa nakuntento:
Bibigyan mo ng matatamis na kahulugan ang mga bagay at salita na dati’y hindi napapansin, hanggang hindi mo na ito mapanindigan. Magiging alaala na lamang ang mga ito na magdadala ng sakit at hinanakit sa bawat minuto. Sa bawat segundo. Sa bawat paghinga. Sa bawat mapanlinlang na tawa. Sa bawat araw na wala ka.

Pagkatapos:
Sasanayin mo ako na maging maligaya, samantalang hindi ipapakita kung paanong muli akong makakabangon at magiging malaya. Tipong unti-unting kukumpletuhin ang aking puso, at sa panahon ng iyong paglisan ay papabayaan akong hindi buo.

Hanggang:
Tila isa akong ibon na itinali ng pagmamahal mo ngunit nang tanggalin ang pagkakapulupot ng pag-ibig na iyon ay hindi naman ako makalipad. Sapagkat ang alam ko lamang ay maging bilanggo ng iyong pagtingin, at hindi ang lumipad nang mag-isa laban sa bugso ng hangin.

Wakas:
Ninakaw mo ang pagkatao ko.

Teka. May mali.

Hindi mo nga pala ito ninakaw dahil kusa ko itong ibinigay sayo.

At muli, natalo na naman ako.

Wakas

Ikaw. Oo, ikaw.

Ang alam ko tapos ka na sakin. Ngunit hindi ko alam kung para saan ang naging pagyakap mo sa akin isang gabi na nagkasama tayo…

Para paasahin ako ulit?

Para sa isang pormal na pamamaalam at pagtatapos?

Para sa paghingi ng tawad?

Para iparamdam sakin na naging mahalaga ako?

…na mahalaga ako?

…na mahal mo pa ako?

…na pwede pa tayo?

Hindi ko alam dahil hindi ko na itinanong. Sa halip ay inipon ko lahat ng naging sakit at galit sa nakaraan upang hindi tumugon sa pagbalot ng mga braso mo sa aking katawan. Dahil sa gabing yun, doon ko nalaman na tapos na nga tayo. Ang pag-ibig at pananabik na naramdaman ko nang muli tayong nagkita ay mga tira na lamang ng pagmamahal ng kahapon. At sa gabing iyon sa wakas nasabi ko rin na…

Oo. Tapos na ako sayo.

021416

Sa takot mo na makasakit, unti-unti mo na rin itinutulak ang mga tao palayo hanggang mawasak ang halaga mo sa kanila.

Sa takot mo na magkamali, wala ka na rin nagawang tama.

Sa kakaisip mo ng hinaharap, nakalimutan mo nang mabuhay sa kasalukuyan.

Hanggang dumating ang panahon na magugulat ka na lang sapagkat wala ka nang iniingatan.

Lumipas na ang panahon mo; lumipas na ang panahon nyo at ngayon ay mag-isa ka na lang.

Pagbitaw

Gusto na kitang kalimutan, pero hindi ko alam kung paano. Tulad ng misteryo kung paano nagsimulang malaman ko ang halaga mo. Ganito rin kahiwaga kung paano ako magpapatuloy sa buhay ko. Sa buhay na ako lang at walang ikaw… Sa buhay na binabalot ng kawalang katiyakan. Sa mundo na madilim at tanging mga alaala mo lamang ang ilaw.

Kung totoo ngang mahirap maniwala sa isang bagay na ayaw mong paniwalaan, higit palang mahirap na maniwala sa isang bagay na alam mo namang hindi totoo –Isang katotohanan na nabubuhay lamang sa guni-guni, at mga kasiyahan sa bawat araw na nagmumula sa pinagtagpi-tagping pangyayari ng lumipas na kahapon. Ito ang natutunan ko sa naging paglisan mo.

Maraming tao ang gustong magmahal at mahalin, ngunit hindi nabibigyan ng pagkakataon. Samantalang ikaw na nasa harap na ang pangarap ng iba, kailangan na lamang yakapin ngunit itinataboy pa.

Kung sa pagkapit ko sa pangako ng muli mong pagbabalik ay ang dahan dahan na pagkalas ko sa mga posibilidad ng hinaharap, baka panahon na para bumuo ng mga bagong salitang dapat panindigan. Tulad na lamang nang pagbitiw mo ng isang pamamaalam habang ako ay naiwan sa gitna ng kawalang kahulugan.

Marahil ito na ang panahon upang tigilan ko ang pagsasayang ng mga sigaw ng pagsuyo sa isang tao na matagal naman nang nagbibingibingihan. Ito na nga siguro ang pinakahuling pagpapakita ko ng pagmamahal sa isang taong matagal nang nagbubulagbulagan sa liwanag ng aking katauhan. Ito na nga siguro ang wakas ng pagtangis ko sa isang taong hindi ko maaaring balikan sapagkat hindi naman ako ang nang-iwan.